Modernong pagsasaka, pinalakas ng bagong pasilidad ng LANDBANK at DA-ACPC

LANDBANK OF THE PHILIPPINES — May 15, 2026

Modernong pagsasaka, pinalakas ng bagong pasilidad ng LANDBANK at DA-ACPC

(Left photo) Pinangunahan nina LANDBANK President and CEO Lynette V. Ortiz (kaliwa) at DA–Agricultural Credit Policy Council Executive Director Rallen O. Verdadero (kanan) ang opisyal na paglulunsad ng ANYO Palay Lending Program, na pinagtibay sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) noong 14 Mayo 2026 sa LANDBANK Plaza sa Maynila, na naglalayong gawing makabago ang pagsasaka ng palay sa buong bansa.

Upang isulong ang modernong pagsasaka at mapataas ang kita ng mga magsasaka ng palay, inilunsad ng LANDBANK, katuwang ang Department of Agriculture–Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC), ang isang programang pautang na pinapalakas ng digital na teknolohiya.

 

Sa ilalim ng Agri-Negosyo Loan Program–Palay Yield Enhancement Financing Facility (ANYO-Palay), mabibigyan ang maliliit na magsasaka ng palay ng mas madaling access sa abot-kayang pondo at makabagong digital na solusyon upang mapataas ang kanilang ani, mapabuti ang pamamahala ng sakahan, at gawing mas episyente ang produksyon.


Sinusuportahan ng inisyatibang ito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang modernisasyon ng agrikultura sa ilalim ng UPLIFT Program ng pambansang pamahalaan, isang whole-of-government response sa epekto ng sigalot sa Middle East sa kabuhayan at ekonomiya ng mga Pilipino.

 

Pormal na inilunsad ang programa sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz at ACPC Executive Director Rallen O. Verdadero noong ika-14 ng Mayo 2026 sa LANDBANK Plaza sa Malate, Manila, kasama sina LANDBANK Executive Vice President Charlotte I. Conde at ACPC Director Noel Clarence M. Ducusin.

 

Ayon kay LANDBANK President at CEO Ortiz, layunin ng programa na tulungan ang mga magsasaka na makapag-modernisa ng kanilang operasyon sa pamamagitan ng abot-kayang 


puhunan at access sa mga teknolohiyang makapagpapataas ng produksyon at makatutulong sa seguridad sa pagkain ng bansa.

 

Bilang bahagi ng ACPC Agri-Negosyo Lending Program, nag-aalok ang ANYO-Palay ng mababang interes na dalawang porsyento (2%) kada taon para sa mga magsasakang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), upang gawing mas abot-kaya ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka sa buong bansa.

 

“ANYO-Palay is not just a lending facility, it is an initiative of the government to raise our rice farmers up and help them build their own futures by building their resilience, improving their productivity, and making them more competitive in the long run,” ani ACPC Executive Director Verdadero.

Sa ilalim ng programa, maaaring umutang ang mga magsasaka ng hanggang ₱30,000 kada ektarya para sa production inputs, para sa hanggang tatlong ektarya, at hanggang ₱25,000 naman para sa pagbili ng digital farming tools at iba pang teknolohiya.


"Magandang inisyatibo ito upang anyayahan ang bagong henerasyon na tahakin ang pagsasaka. Sa tulong ng modernisasyon, maipagpapatuloy ng kabataan ang pagpapakain sa ating bayan habang naiaangat nila ang antas ng kanilang pamumuhay," saad ni Gregorio T. Garde, isang farmer leader mula sa Tiaong, Quezon.

Binigyang diin naman ni Jeremiah Macias II, President and CEO ng Seer Satelite Solutions Inc, ang kahalagahan ng modernisasyon sa pagsasaka. Aniya, "Malaki ang maitutulong sa ating mga farmers kung ang kanilang steps at decision ay data driven. At malaking bagay ang ANYO-Palay ng LANDBANK at DA-ACPC para matulungan ang mga farmers natin na ma-adapt ang mga bagong teknolohiya para mapalago ang kanilang mga kabuhayan."


Bahagi ito ng patuloy na pagpapalawak ng LANDBANK ng suporta sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng inklusibo at abot-kayang financing. Noong Marso 2026, umabot na sa ₱908.77 bilyon ang kabuuang pautang ng Bangko sa agrikultura, pangisdaan, at rural na pag-unlad—katumbas ng mahigit sa 58% ng kabuuang loan portfolio nito.


Nanatili namang nakatuon ang LANDBANK at DA-ACPC sa pagtutulungan upang isulong ang mas moderno, episyente, at matatag na sektor ng pagsasaka sa bansa sa pamamagitan ng access sa pondo at digital na solusyon.

By LANDBANK of the Philippines • September 25, 2026
LANDBANK is exploring new opportunities with leading Indian fintech companies to advance digital payments, financial inclusion, and cross-border financial services for Filipinos at home and abroad.
By BRAVE CF • September 25, 2026
A decade into its existence, BRAVE Combat Federation has turned geographic expansion into one of the defining pillars of its identity. Since its launch in 2016, BRAVE CF has staged more than 100 events across 39 countries, pursuing a model that goes far beyond establishing a handful of high-profile destinations.
By Scouts Royale Brotherhood Alpha Psi Chapter • September 25, 2026
August 21, 1976 stands as a significant milestone in the history of the Scouts Royale Brotherhood (SRB), Alpha Psi Chapter, Santo Domingo, Nueva Ecija. On this day, through the vision, dedication, and leadership of Brother Alex L. Pascual of the Alpha Psi Chapter, the organization was founded with the noble purpose of