DINASTIYA DI PWEDE!

Noly Balatero — October 18, 2024

DINASTIYA DI PWEDE!

NITONG mga huling araw, binigyang tinig ng mga taga-Baguio ang panawagan na huwag ng bigyan ng suporta ang mga magkakamag-anak na sabay-sabay na nag-kandidato para sa halalang sa susunod na taon pa magaganap. Ibinuhos ng mga nakaaalam ang kanilang mariing di-pagsangayon sa mga pamilyang sabay-sabay na pagnasaan ang mga mahahalagang posisyong pagtatalunan.


Eto na nga po ang mga tinig na tila daluyong na dumagundong. Nagmistulang baha ng hindi pag-sangayon ang tila posisyon ng sambayanan. Kanilang ipinahayag sa social media ang kanilang seryosong pagtutuol, na sinabayan OA ng “Never, nada, huwag sa Baguio!”


Hindi nga naman kanais-nais na maitulad ang pulitika ng Baguio doon sa mga lugar na kung saan, ginawang tradisyon ang halinhinan ng magkakamag-anak sa mga posisyong pang-halalan. Huwag na tayong lumayo, nabanggit ang probinsyang kanugnug ng Baguio, halos isang oras lang ang kalayuan.


Eh bakit nga naman, dahil sa ginagawa sa mga kalapit na lugar ang ganitong pamamaraan ng pulitka, gawin na rin natin. Gayahin na rin dito. Itugma ang ikot at galaw ng pulitika dito na rin sa Baguio.


Ano nga ba ang kaugaliang ito na pinagpipilitang sundin bilang normal na ikot ng pulitika sa Baguio?


Ang ibinuhos na tinig ay matinding pagwasiwas sa pulitikang pang-dinastiya. Ito yung iisang apelyido ang isinasampa upang ma-dominahan ang eleksyon at mangibabaw ang iisang utos ng pamilyang nagnanasa ng kapangyarihan.


Mantakin nating dalawang pinakamataas nga posisyon sa lungsod, pinagnasaang kamkamin. Ano ang mangyayari kung magkaganoon nga. Hawak ni Misis ang isang posisyon, at hawak naman ni Mister ang kabila. Kung kaninong tinig ang mangingibabaw – ke Misis o Mister – ay iisang desisyon pa rin ang masusunod.


Dito nabahala ang sambayanan. Tila ginawang pag-aari ang natatanging karapatan na sila lamang dalawa ang may kakayahan na panguluhan ang kapalaran ng lungsod. Wala na bang sentido kumon ang mga iyan na isubo sa bibig ng mga taga-Baguio ang iisang apelyido para panguluhan ang Kongreso at City Hall?


Naging hayagan na nga ang pinangangambahan. Paano sasalungain ang daluyong ng Ayuda at Marami pang Iba kapag sila ay humaharap sa mga botante? Ngunit ang hindi maintindihan, maski baliktarin mo paulit-ulit, bakit naman napunta sa punto na silang mag-asawa na lang ang papayagang bumalangkas ng mga desisyon upang mailandas ang tatahaking kapalaran ng bayan?


Huwag naman sanang kamkamin ng iisang apelyido ang karapatan na panguluhan ang lungsod. Kung noon pa man, mga ilang buwan lamang ang nakaraan, ay hindi natin binigyang pansin ang kababalaghang nangyari, ay may tuwirang pagkakataon pa upang iwasiwas ang ganitong sitwasyon: idaan sa balota ang hustisyang binalahura.


Oo nga pala, huwag nating iwaksi na ang halalan ay sa susunod na taon pa. Ito ang karerang pang-matagalan, halos isang taong singkad. Ngayon pa lang, siguradong pinuputakte ang mga kabayan ng mga kandidato. Parating na nga naman ang Disyembre, langhap na ang simoy ng lumalamig na mga panahon. Nakaka-dismaya para sa mga kandidatong maigsi ang pisi ng konting naipon para matustusan ang mga gastusing abot-langit ang tayog at taas.


At eto na naman tayo na hindi maiwasang mag-komento tungkol sa laro ng pulitika sa lugar natin. Hindi ba’t parang tahasang ibinalahura ang kay-tagal ng tradisyon na kailanman ay hindi binahiran ng anumang hiya at sentido kumon? Kaya ba ng ating kamalayan na dedmahin ang sitwasyon ng mga hayagang ipinagmamalaki na sila lamang, tanging sila lamang, ang may kakaibang kakayahan na pamunuan ang ating lungsod sa pamamaraang iwinasiwas ang anumang pagkabahala na tanging sila lamang ang katangi-tanging may karapatan na pamunuan ang Baguio. Wala na nga bang iba?,


Kunsabagay, demokrasya ang tradisyon ng anumang halalan. Let the people choose and in their wisdom, ika nga, let them choose wisely. Idagdag ko lang, let them choose decently and respectfully to the time-honored tradition of being decent at all times. Ingles nga po yan, na ibig sabihin sa nakabibinging paraan, mahiya po naman tayo. Wala na bang ibang pag-galang na ating maaasahan? Kaya naman, hanggang ngayon, lumalakas ang panawagan ng konting pagpapakita ng kadisentehan. Kaya naman, tayo ay binabaha ng daluyong ng pag-tanggi – hindi pagkakatangi.


Kaya naman, ating uulitin: “Ang nakaraan ay sinasabing puno ng mga liksyon upang gabayan ang paglalandas sa hinaharap. Ngayon ang panahon na kailangan pag-ibayuhan pa ang mga gawain sa kasalukuyan, mabigyan lamang ng pagkakataon na ang mga darating na kinabukasan ay mapatingkad pa ang mga misyon at ambisyon.”


Time to Pass the Torch: Why Political Comebacks Are Not the Answer
By Malou Laxamana Pascual May 5, 2025
As the May 12 election nears, a quiet but growing movement is making itself heard in Baguio City. It does not come from the traditional campaign stage or the usual political dynasties. It is not funded by machinery or driven by name recall. It comes from the ground, from the young, and from those who are tired of the cycle. Tired of the same names, the same faces, the same families. Tired of watching opportunity slip away as public service is reduced to a personal brand.
ASEAN bloc called on to protect journalists, media freedom
By Art Dumlao May 4, 2025
ASEAN bloc called on to protect journalists, media freedom
Abra lawmaker tops RPMD Foundation’s job performance assessment
By Art Dumlao May 3, 2025
Abra lawmaker Menchie Bernos bested five of her Cordillera congressmen-colleagues at the most recent job performance assessment ‘Boses ng Bayan' by RPMD Foundation Inc. (RPMD).